Katamaran
I love PI100.
Sounds unbelievable, I know, but I do.
I’m serious!
PI100 is my favorite subject this sem. Nyaharharhar. So our professor had us read and write about one of Jose Rizal’s pieces. This be my paper.
Mabuhay ang kalayaan.
———
“Hay, nako, ang Pilipino nga naman. Napakatamad.”
Napakaraming beses ko nang narinig ang ganito sa kalsada, na para bang hindi Pilipino ang nagsabi. Sa kasulukuyan, tila tanggap na ng mga Pilipino na tamad ang kanilang lahi. Naisin man niyang magbago, nawawalan na siya ng pag-asa dahil sa nakikita niya sa kaniyang paligid. ‘Ika nga, “ang iyong pinahihintulutan, hindi mo mababago kailanman”. Bago pa man natin magawan ng paraan ang isang problema, kailangang malaman muna nating malaman kung ano ang ugat ng problema.
Isinulat ni Dr. Jose Rizal ang kanyang mga kuro-kuro tungkol sa paksang ito sa “Tungkol sa Katamaran ng mga Pilipino”. Ang katamaran mismo ay hindi isang kasamaan, kundi “ang pagsasagawa at pagpapaunlad nito”. Hindi naman kinakailangan na manahin ng bawat henerasyon ang katamaran ng nakatatanda, subalit, dahil nakasanayan na ito, mahirap na itong tanggalin. Pero, kung titingnan sa ating kasaysayan, marami ang mga tala tungkol sa kasipagan ng Pilipino. Masikap silang nangangalakal sa mga ibang bansa, at masagana ang lupang kanilang tinatrabaho. Mukhang ang katamaran ay nagsimula lamang nang dumating ang mga Kastila.
Para maging makatarungan, hindi naman ang mga Kastila mismo ang sanhi ng katamaran, kundi ang kanilang mga inasal tungo sa mga Pilipino noong panahong iyon.
Ang pagtrato ng mga enkomendero sa kanilang mga tauhan ay isa sa mga nakatulong na palaguin ang katamaran ng Pilipino. Ang tabahador ay nagsisikap, pero hindi naman niya nakukuha ang nararapat sa kanya. Isang baliw — o kaya naman isang santo — lamang ang magtratrabaho para sa wala. Hindi ba’t ang tao’y gumagawa upang siya’y mabuhay? Paano na kung ang nakukuha niya para sa kanyang pawis ay kulang pa para sa kanyang hapunan?
Ang isa pang maaring patubig sa katamaran ay ang konsepto ng himala. Tinuruan ang mga Pilipino na manalig sa Panginoon, at maghintay ng milagro. Wala naming mali dito. Ang masama ay ang pag-abuso ng mga kura sa pananampalataya ng mga Pilipino: nagbibigay ang mga mananampalataya ng alay sa Diyos, pero kinukuha lang din naman ng kura.
Isa pa ang edukasyon. Oo’t pinag-aral nila ang mga Pilipino noon. Pero, matapos ang lima o sampung taon, maririnig lang ng estudyanteng Pilipino na ang lahat ng ping-aralan niya ay bale wala dahil siya ay sadyang pang-bukid lamang, kasama ng kanyang kalabaw. Mula pagkabata ay naririnig na ng Pilipino na hindi para sa kanya ang kuwan, na nanggaling siya sa lahing mababa, na wala siyang mararating, na hindi siya karapat-dapat sa mga gawain ng mga Espanyol. Mula pagkabata, pinupukpok na sa Pilipino na kailangan siyang maging mala-makina, na dapat siyang makinig sa lahat ng sasabihin ng kura, na hindi dapat siya umangal at tanggapin na lamang lahat nang sasabihin sa kanya.
Kung titingnan ang mga pinakamauunlad na bansa sa kasulukuyan, sila ang mga pinaka-liberal. Ang mga mamamayan niya ay yaong may espasyo na magsaad ng nilalaman ng isip at puso. Yaong may “kalayaan upang mabigyan ng pakapak ang kanyang diwang makipagsapalaran”.
Maaaring ipinanganak tayong may katamaran, pero walang karapatan ang sino man na ikahon na lang tayo bilang “tamad, at magiging tamad habang-panahon”. Lahat naman ng bagay ay maaaring gawan ng paraan kung gugustuhin.
Nakalulungkot na kahit ilan daang taon na ang nakalipas mula nang tayo�y nakatamo ng kalayaan, ganito pa rin ang nakaukit sa ating isipan: na ang banyaga ang tama. Na sila ang mas magaling. Na sila lang ang may karapatang makaangat. Tayong lahat ay tao lamang, tayong lahat ay nanggaling lamang kay Adan at Eba. Hindi ba’t tayong lahat ay may kakayahang makapunta sa mga kamangha-manghang lugar?
Siyempre, oo.
———
A summary/reaction paper. “Tungkol sa Katamaran ng Pilipino” is 30 freakin’ pages. Gimme some credit here



[...] Katamaran (Laziness) – An all-Filipino post, and is currently one of the top 10 most visited posts in my blog. Yes. It’s swimming in there, along with the top posts that are listed on the upper right side of this page. This post is actually my reaction paper on Tungkol sa Katamaran ng mga Pilipino a literary work by Dr. Jose Rizal, the Philippine National Hero. I wrote this for a social studies course during my senior year in college. Hm. Maybe students are looking for material for their reaction papers, as well? Haha! [...]